Tinitiyak ni Budget and Management Secretary Mina Pangandaman na maipagkakaloob ang natitirang balanse para sa Health Emergency Allowance o HEA sa mga manggagawa sa sektor kalusugan.
Sa pagdalo ni Secretary Pangandaman sa Kapihan sa Manila Bay, mayroon pang P14.88-B na natitirang kabayaran para sa health emergency allowance ng mga kawani sa health care sector, pribado man o pampubliko.
Pinaliwanag ng Budget Chief na ang health emergency allowance ay makukuha ng mga magki-claim na health at non-health workers basta kumpleto ang dokumento lalo na at may available na pondo mula sa excess revenue collections.
Iginiit pa ni pangandaman na sinisiguro ng Department of Budget and Management (DBM) na mailabas ang naturang halaga na bahagi ng commitment ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag ng kalihim, kailangang suklian ang naging sakripisyo ng mga health care workers sa pampubliko at pribadong ospital dahil isinakripisyo nila ang kanilang buhay para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Nabatid na ang naging hakbang ng DBM ay base na rin sa naging pahayag ng Pangulong Marcos Jr., na ipagkaloob sa mga health care worker ang nararapat na allowances.