Mahigit P100-milyon na halaga ng shabu, naharang sa cargo facility sa NAIA

Naharang ng mga awtoridad sa pagtutulungan ng joint operation ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at Intelligence Section ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang mahigit 16 kilo o 1,650 grams ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱109.82 milyon sa isang cargo facility malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa operasyon, naaresto ang dalawang indibidwal na nagtatrabaho bilang customs representatives na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nadiskubre ang ilegal na droga habang isinasagawa ang routine X-ray screening ng inbound cargo ng Bureau of Customs (BOC) personnel.

Napag-alamang ang naturang package, na idineklara bilang “clothes, towels,” ay naglalaman pala ng mga white crystalline substances na nakatago sa ilang foil pouches at plastic bags.

Sa isinagawang follow-up inspection ng Customs Examiner, nakumpirma na ang laman ng package ay hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱109,820,000.00.

Kabilang din sa mga nakuhang ebidensya ang ilang identification cards.

Ang mga suspek at ebidensya ay dinala sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa NAIA para sa karagdagang imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso sa ilalim ng Section 4 (Importation of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals), Article II ng RA 9165.

Facebook Comments