Nakitaan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng volcanic smog o vog ang Taal Volcano caldera.
Ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na bunsod ng patuloy na paglalabas ng bulkan ng volcanic sulfur dioxide.
Maaari itong magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at baga.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga residenteng nakatira malapit sa bulkan na hangga’t maaari ay umiwas muna sa mga outdoor activities.
“Huwag na po tayong lumabas ng ating bahay kung wala naman tayong mahalagang pupuntahan at mas makabubuti na kung makaranas tayo at mapansin natin sa ating kapaligiran na medyo mahamog nga po ay saraduhan po natin ang bintana ng ating mga bahay para malimitahan po ang ating exposure,” ani Batangas PDRRMO-Research and Planning Chief Atty. Kimberly Diane Garcia sa interview ng RMN Manila.
Katunayan, ayon pa kay Garcia, ilang mga pananim at isda sa Taal Lake ang namatay dahil sa volcanic smog.
“Nagkaroon po ng damages due to volcanic vog. Noon pong June 8 kaya po nangamatay ang ating mga calamansi at cassava na ang total amount po natin is around… more than 24 million.”
“Nagkaroon din po tayo ng low dissolve oxygen at pagkamatay ng mga tilapia at bangus doon sa ating lawa ng Taal. Dahil po dito, yun pong mga babala na ibinibigay ng PHIVOLCS sa atin ay patuloy po nating ibinibigay down sa barangay level para ma-warning-an ang ating mga kababayan,” dagdag niya.
Nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa Bulkang Taal.