
Nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) ang nasa higit P2 bilyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang nationwide campaign mula January 1 hanggang March 29 o ang unang quarter ng taong 2026.
Nasa higit 3,000 na operasyon ang isinagawa sa buong bansa na nagresulta sa pagkakaaresto ng nasa higit 1,000 indibidwal.
Nakakumpiska ang mga awtoridad ng nasa mahigit 240,000 pakete at mahigit 480,000 na reams ng sigarilyo kasama ng nasa halos 10,000 master cases, at iba’t ibang manufacturing equipment na ginagamit sa ilegal na produksyon.
Ayon kay PNP Chied General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi titigil ang pulisya sa pagsugpo ng smuggling o pagpupuslit sa bansa at ang naging resulta ngayong unang quarter ay nagpapakita lamang na ginagawa ng mga personnel ang tama sa kanilang trabaho.
Tiniyak naman ni Nartatez na hindi lamang ang mga nahuhuli sa operasyon ang mananagot sa batas kundi pati na rin ang mga taong nasa likod nito.










