
Nakahanda nang ipamahagi ng Department of Agriculture o DA ang mahigit ₱216-M na halaga ng farm inputs sa mga magsasakang naapektuhan ng Bagyong Tino.
Ayon sa DA, kabilang sa mga ipapamahagi ang mga buto ng palay, mais at high value crops.
Maliban dito, nasa ₱1.12 million na halaga rin ng animal feeds at supplements para sa livestock at poultry ang available at nakahanda nang ipamahagi sa mga magsasaka.
Para sa mga mangingisda, papalo naman sa mahigit ₱841,000 na halaga ng bangus, tilapia at carp fingerlings ang nakatakdang ipamahagi.
Sa ngayon, nasa 2.6 million bags ng rice stocks mula National Food Authority (NFA) ang available at ipapasakamay sa mga Local Government Units (LGUs) at relief agencies.
Sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng bagyo, puwedeng mag-avail ng ₱25,000 na loan mula sa Survival and Recovery o SURE Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na puwedeng bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interest.
Mayroon ding indemnification o bayad pinsala sa mga magsasakang nag-avail ng insurance na naapektuhan ng kalamidad sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).









