Mahigit P39 milyon na Pananim na Marijuana, Sinira at Sinunog sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa mahigit P39 million pesos ang kabuuang halaga ng mga nasirang tanim na marijuana sa bulubunduking bahagi ng Tinglayan, Kalinga.

Magkasanib pwersa ang Kalinga Police Provincial Office, RIU-14, PDEA Kalinga, 1503rd at 1501st RMFB15, at PDEG SOU 14 na nagsagawa ng operasyon sa nasabing lugar sa dalawang araw na operasyon.

Tumambad sa mga awtoridad ang nasa 183,500 piraso ng marijuana plants kung saan nadiskubre ang siyam (9) na marijuana farms sa dalawang barangay sa Tinglayan.


Samantala, sinira rin ng mga operatiba ang nasa 107,500 piraso ng marijuana na nagkakahalaga ng higit sa P21 milyon mula sa tinatayang 600 square meters na lupain matapos madiskubre ang plantasyon sa tatlong magkakaibang taniman ng iligal na droga.

Dagdag dito, pinagsisira rin at sinunog sa Barangay Butbut ang nasa 76,000 piraso ng tanim na marijuana na nagkakahalaga ng mahigit sa P15 milyon mula sa anim na plantation sites kung saan may lawak itong 6,700 square meters.

Maliban pa dito, nadiskubre rin ng operatiba ang dalawa pang plantasyon ng marijuana na may lawak na 1,600 square meters kung saan humigit kumulang 16,000 fully grown marijuana plants ang sinira ng mga awtoridad umabot sa halagang P3.2 milyon.

Hinimok naman ni Kalinga Police Director PCol. Davy Vicente Limmong ang publiko na tulungan ang pulisya sa pagbibigay ng impormasyon sa iba pang posibleng taniman ng marijuana.

Facebook Comments