
Aabot sa mahigit P400,000 na halaga ng iligal na droga ang nasabat ng Quezon City Police District (QCPD) sa kanilang ikinasang buybust operations sa lungsod na ikinaaresto ng apat na drug suspect.
Unang nahuli ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng QCPD ang 24-anyos na kinilala sa alyas ‘Marlo’ sa Gajudo Compound, Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Matapos na matagumpay na makabili ang poseur buyer ng hinihinalang droga na nagkakahalaga ng P17,500.
Nakumpiska sa kaniya ang nasa higit 41 grams ng umano’y shabu na may standard drug price na P279,616, isang motorsiklong walang plaka, at marked buybust money.
Samantala, nasakote naman ng Batasan Police Station 6 sa kahabaan ng Samsung Street, Doña Nicasia, Barangay Commonwealth ang tatlo pang suspek na sangkot sa bentahan ng iligal na droga.
Narekober kina alyas ‘Mary Jane’, 30-anyos, ‘Jomar’, 33, at ‘Elmer’, 26, ang 20 gramo ng parehong droga na may Standard Drug Price (SDP) na P136,000.
Bukod sa shabu, nakuha rin sa mga suspek ang isang cellphone at buy-bust money.
Reklamong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong isasampa laban sa mga suspek.










