
Sa huling ulat ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 744,000 na mga indibidwal o 212,000 na mga pamilya mula sa 259 na mga barangay ang naapektuhan nang yanigin muli ng 6.9 magnitude na lindol ang Cebu lalo na ang bayan ng Bogo.
Ayon kay Civil Defense Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, umabot na sa mahigit P500 milyong ang halaga ng assistance na ibinigay ng mga ahensya ng pamahalaan sa nasabing lugar.
Samantala, nasa 13 na evacuation centers na ang meron sa lugar na nagsisilbi sa mahigit 4,000 na pamilya.
Sa binigay na report sa ahensya, 75 na ang bilang ng nasawi at 559 na indibidwal naman ang naitalang injured habang wala namang naiulat na nawawala.
Sa mga imprastraktura naman sa lugar, umabot na 774 ang nasira na inaalam pa ng ahensya ang kabuuang halaga.
Samantala, nasa 95,000 na mga kabahayan naman ang naapektuhan ng nasabing lindol kung saan ang 5,600 dito ay totally damaged.
Kaugnay nito, gumagawa na ng early recovery efforts ang ahensya sa nasabing naapektuhan mga lugar.









