Mahigit P6 milyong halaga ng shabu nasabat sa Antipolo City, Rizal

Bumagsak sa kamay ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-National Capital Region, PDEA Rizal Provincial Office at Antipolo City Police Station ang isang hinihinalang drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa Antipolo City.

Kinilala ang suspek na si John Lennon Tadena alyas “Lin”, 23 anyos, residente ng Zontaville, Barangay San Isidro, Antipolo City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad at nang magkasundo na ang operatiba at suspek na magkita sa harapan ng isang convenience store sa kahabaan ng NHA Avenue, Bagong Nayon II, Brgy. San Isidro, Antipolo City ay sinimulan nang magbentahan ng droga.


Nang makabili ang poseur buyer ng shabu sa suspek, agad na inaresto si Tadena at nakuha sa kaniya ang pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P6,800,000 at tatlong sachets ng pinatuyong dahon ng Marijuana.

Paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kasong isinampa laban sa suspek.

Facebook Comments