
Naharang ng National Bureau of Investigation (NBI) ang P761,400 na halaga ng mga pekeng skin care products sa operasyon na isinagawa sa Maynila at Bulacan.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng reklamo hinggil sa paglaganap ng mga pekeng produkto.
Kabilang dito ang produktong may tatak na Beauty of Joseon, isang kilalang Korean skin care brand.
Sa operasyon, nakumpiska ang kabuuang 846 na piraso ng iba’t ibang uri ng pekeng serum na may tatak ng nasabing brand.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines ang mga sangkot na indibidwal, partikular sa trademark infringement.
Nagpaalala ang NBI na delikado sa kalusugan ang paggamit ng mga pekeng skin care products dahil maaaring maglaman ang mga ito ng hindi rehistrado at mapanganib na kemikal na maaaring magdulot ng allergy, paso sa balat, at iba pang pangmatagalang epekto.
Hinikayat ng NBI ang publiko na bumili lamang sa mga awtorisadong tindahan upang makaiwas sa panganib.










