Cauayan City, Isabela- Personal na tinanggap ng nasa tatlumpu’t limang (35) hog raisers ang indemnification o tulong pinansyal mula sa Department of Agriculture (DA) region 2 makaraang maapektuhan ang kanilang pag-aalaga ng baboy ng sakit na African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Solana, Cagayan.
Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, magpapatuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka sa kabila ng banta ng COVID-19 sa lahat.
Aniya, mahigpit na ipatutupad ang mga polisiya upang hindi na kumalat pa ang sakit ng baboy katuwang ang mga Provincial/Municipal Local Government Unit maging pulisya na nagbabantay sa mga inilatag na checkpoint sa mga bayan.
Inihayag din ni Edillo, ito ang unang batch sa nasabing bayan na habang inihahanda na ang ayuda para sa second batch.
Umabot naman sa mahigit P800,000 ang naipamigay na indemnification sa bayan para sa kanilang panibagong pagkakakitaan.
Samantala, muli namang pinaalalahanan ng DA ang mga magsasaka na apektado ng nasabing sakit ng baboy na mangyaring gumawa ng alternatibong pagkakakitaan gaya ng pagbili ng ibang alagaing hayop gaya ng manok, kambing, baka at iba pa.
Humingi naman ng paumanhin ang ahensya sa nangyaring pagkaantala ng pamimigay ng ayuda subalit tiniyak nila na ang lahat ng apektadong magsasaka ay mabibigyan ng tulong.