Aabot sa mahigit 7,000 relief at food packs ang naipamahagi ng tanggapan ni Senator Sonny Angara para sa mga biktima ng Bagyong Paeng sa mga probinsiya ng Zamboanga, Cotabato, Aklan, Maguindanao at Capiz.
Sa bilang na ito, 2,000 food packs at bottled water ang naibigay ng opisina ni Angara sa mga bayan ng Sta. Maria, Pasonanca at Tumaga sa Zamboanga City.
Mahigit 2,000 naman na food packs ang naipamahagi sa mga barangay ng Dinaig Proper, Awang, at Kusiong sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao at mahigit 2,000 rin na food packs sa ilang bayan sa Aklan.
Samantala sa Capiz ay 1,000 relief packs at mga galon ng tubig ang naibigay na tulong ng opisina ng senador sa bayan ng Sigma.
Nasa P600,000 naman na halaga ng food packs ang naibigay sa Cotabato City.
Ayon kay Angara, karamihan ng mga nabigyan ng tulong ay mga residenteng nananatili pa rin sa mga evacuation centers dahil ang kanilang mga bahay at kabuhayan at winasak ng Bagyong Paeng.
Dalangin umano niya ang mabilis na pagbangon ng mga lalawigan at bayan na sinalanta ng kalamidad gayudin ang mabilis na pagbabalik sa normal ng buhay ng mga apektadong pamilya.