Mahigit tatlong milyong pamilya, nakaranas ng kagutuman sa unang quarter ng 2022 – SWS survey

Mahigit tatlong milyong pamilya o katumbas ng 12.2 percent ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng kagutuman sa unang quarter ng taon.

Ito ang lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong April 19 hanggang 27 kung saan tumaas ito ng 0.4 percent kumpara sa 11.8 percent na naitala noong Disyembre 2021.

Sa kabila nito, sinabi ng SWS na mas mababa ito ng 0.9 points sa 13.1 percent na annual average noong nakaraang taon.


Sa 12.2 percent, 9.3 porsyento nito o katumbas ng 2.4 milyong pamilya ang nakaranas ng “moderate hunger” habang 2.9 percent o 744,00 pamilya ang nakaranas naman ng sobrang kagutuman.

Pinakamaraming pamilya ang nakaranas ng gutom sa Metro Manila na may 18.6 percent, sinundan ng Mindanao na may 13.1 percent, balance Luzon na may 11.7 percent at Visayas na may 7.8 percent.

Ito na rin ang pinakamataas na naitalang kagutuman sa Metro Manila mula noong July 1998.

Nasa 1,440 na indibidwal ang sumalang sa survey sa pamamagitan ng face-to-face interview at may sampling error margins na ±2.6 percent para sa national percentage.

Facebook Comments