Tiniyak ng pamahalaan ang mabilis na pagtulong sa mga apektado ng pananalasa ng Bagyong Aghon.
Kaugnay nito, umaabot na sa P3.6M ang halaga ng tulong ang naipaabot sa mga apektado ng bagyo partikular na sa mga residente ng CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 at Region 7.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga tulong na naipagkaloob ay accommodation at transportation, family food packs, hot meals, packed meals hygiene kits at iba pa.
Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa mga miyembro ng kanilang response clusters para sa pagtukoy sa iba pang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.
Partikular dito ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at Department of the Interior and Local Government.
Sa pinakahuling pagtaya ng NDRRMC, nasa 12, 436 na pamilya o katumbas ng mahigit sa 36,000 mga indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 7, Region 8 at National Capital Region.