
Nai-turn over na ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigit ₱36 milyong halaga ng forfeited agarwood shipments.
Ayon kay BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, ang nakumpiskang agarwood ay may kabuuang bigat na 49.15 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱36,862,500.
Aniya, bunga ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensiya na palakasin ang pangangalaga sa kapaligiran at sugpuin ang iligal na kalakalan ng wildlife at forest products.
Binigyang-diin naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng mahigpit na pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pangangalaga ng likas na yaman.
Dagdag pa niya, kinakailangan ang malakas na koordinasyon at malinaw na pagbabahagi ng responsibilidad ng bawat ahensiya upang matiyak ang epektibong proteksiyon sa kalikasan.










