Arestado ng mga awtoridad ang tatlong indibidwal sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Pangasinan noong Pebrero 24 at 25.
Sa operasyong ikinasa ng Pangasinan Police Provincial Office Drug Enforcement Unit (PPDEU), katuwang ang iba pang yunit ng pulisya, naaresto ang isang Regional Priority Target at High-Value Individual maging ang kasabwat nito sa Barangay Tombor, Binmaley.
Ayon sa kapulisan, nasamsam ang walong heat-sealed plastic sachets na may timbang na mahigit 110 gramo ng pinaghihinalaang shabu at tinatayang nagkakahalaga na ₱748,000.
Bukod sa droga, nasamsam din ang mga ginamit na buy-bust money, boodle money, dalawang cellphone at ilang personal na gamit.
Samantala, sa hiwalay naman na operasyon sa Urdaneta City, isang 46-anyos na mekaniko at residente ng lungsod ang arestado.
Nakuha mula sa suspek ang walong heat-sealed sachets na may timbang na 22 gramo ng pinaghihinalaang shabu at nagkakahalaga ng ₱149,600, kabilang ang buy-bust at boodle money.
Ayon sa ulat ng kapulisan, kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at haharap sa mga kasong paglabag sa dalawang seksyon ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








