MAHIGPIT NA BALIDASYON SA MGA MIYEMBRO NG 4PS, IKASASA SA LUNGSOD NG CAUAYAN

Cauayan City, Isabela- Kasunod ng panawagan ng bagong kalihim ng DSWD na si Erwin Tulfo na siyasating mabuti ang listahan ng mga Miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay lalo pang paiigtingin ng tanggapan ng 4Ps sa Lungsod ng Cauayan ang kanilang gagawing balidasyon sa mga benepisyaryo ng programa.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Jay Marlon Bullanday, Project Development Officer II, sinabi nito na kada buwan ang kanilang ginagawang pagbisita sa mga bahay ng mga benepisyaryo upang masiguro na active at pasok pa ang mga ito sa nasabing programa.

Katunayan aniya ay mayroon na silang napa-graduate o naalis sa listahan na sampu nito lamang buwan ng Hunyo at mayroon ulit silang isinumite sa probinsya na karagdagang 15 na mga pangalan ng benepisyaryo na nakatakda nang matanggal sa 4Ps.

Mula sa mahigit 3,000 na total 4Ps members sa Lungsod ng Cauayan ay nasa 2,879 na lamang ang aktibo.

Patunay aniya na ginagampanan nila ang kanilang trabaho dahil naaalis sa programa ang mga hindi na karapat-dapat dahil karamihan na sa mga ito ay kaya nang mamuhay na hindi nakadipende sa programa ng gobyerno.

Kaugnay nito ay nananawagan pa rin ang tanggapan ng 4Ps sa mga Cauayeño na makipagtulungan sa kanila sa pagtukoy sa mga miyembrong dapat nang matanggal sa listahan o mga hindi na karapat-dapat sa programa sa pamamagitan ng pagsusumbong sa kanilang opisina.

Facebook Comments