PULIS-PATAY NA TINAMBANGAN SA ISABELA, NAGTAMO NG 10 TAMA NG BALA NG BARIL SA KATAWAN

Cauayan City, Isabela – Nagtamo ng 10 na tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang isang pulis na tinambangan sa bypass road na bahagi ng Brgy. Ugad, Cabagan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Rey Lopez, Deputy Chief of Police ng Cabagan Police Station, sampung (10) tama ng bala ng baril ang tinamo sa katawan ng pulis na unang naipaulat na pinagbabaril bandang alas-8:30 ng umaga ngayong araw, July 7, 2022 sa nasabing bayan.

Kinilala ang biktima na si PCpl Marnix Baquiran, 34-anyos, naka destino sa Reina Mercedes Police Station, at residente ng Brgy. Camasi, Peñablanca, Cagayan.

Matatandaan na habang nakasakay sa minamanehong Toyota Fortuner na may plakang BBZ 3250 ang biktima at binabaybay ang katimugang direksyon patungong Brgy. Ngarag, Cabagan, Isabela ng pagbabarilin ito ng hindi pa tukoy na salarin na sakay umano ng SUV na kulay grey.

Samantala, sinubukang kapanayamin ng iFM News Team ang pamilya ng biktima ngunit tumanggi silang magbigay ng pahayag.

Kaugnay nito, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at maging ang motibo sa pamamaril.

Facebook Comments