Mahigpit na implementasyon ng Clean Air Act, iginiit ng isang senador

Ipinaalala ni Senador Christopher Bong Go sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigpit na ipatupad ang Republic Act No. 8749 o ang Clean Air Act.

Nababahala si Go dahil sa patuloy na paglala ng problema sa air pollution ng bansa.

Ayon sa mambabatas, sa ilalim ng RA 8749 binibigyan ng mandato ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mahigpit na ipatupad ang naturang batas base sa air quality standards ng World Health Organization (WHO) subalit tila natutulog dito ang naturang kagawaran.


Paliwanag ni Go, na Chairman ng Senate Committee on Health, mahalaga ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino kaya ang polusyon sa hangin ay isang seryosong suliranin sa kalusugan.

Ipinunto pa ng senador na maraming sakit ang nagiging sanhi ng paghinga ng maruming hangin, tulad ng ubo, tuberculosis, pneumonia, asthma, at lung cancer, kung saan partikular na apektado dito ang ating mahihirap na kababayan kaya’t mahalagang maipatupad ng maayos ang batas na Clean Air Act.

Facebook Comments