
Inatasan ni Acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police commander na regular at mahigpit na bantayan ang lahat ng mga detention facilities.
Ito ay matapos na igiit ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy ang patungkol sa katiwalian sa pasilidad na pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong ito ay nakulong sa bansa.
Kung saan ayon sa kanya ay pinayagan umano syang makapagtago ng kanyang cellphone habang nasa kustodiya.
Dahil dito ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinana “Bongbong” Marcos Jr. ang imbestigasyon sa posibleng katiwalian sa nasabing insidente.
Alinsunod sa utos ng pangulo ayon kay Nartatez, mahigpit dapat na ipatupad ang mga alituntunin at regulasyon sa mga detention facility ng pulisya para matiyak na walang mangyayaring katiwalian na makasisira sa mandato ng PNP.
Dagdag pa nya, pananagutin ng ahensya ang mga pulis na mapagaalamang sangkot sa kahit na anong ilegal na aktibidad kabilang na sa pagsu-supervise ng mga detention facilities.
Aniya bilang isang tagapagpatupad ng batas, tinitiyak nila ang kanilang institusyon ay mananatiling corruption-free.










