Pinatitiyak ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mahigpit na pagpapatupad ng 10-day quarantine rule para sa mga returning Filipinos.
Ito ay upang maiwasang makapasok sa bansa ang Delta Plus variant kung saan 200 kaso na ang naitatala sa 11 bansa.
Sabi ni IATF co-chairman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, mahalagang maipatupad ang 10-day quarantine rule dahil napatunayang epektibo ito nang maagapan ng bansa ang pagkalat ng Delta variant matapos na magpositibo ang 17 indibidwal mula abroad.
Ang Delta Plus variant o B.1.617.2.1 o AY.1 variant, ay mutation ng Delta variant na itinuturong dahilan ng “deadly surge” sa India noong Mayo.
Ayon sa mga eksperto, mas mabilis itong makahawa kumpara sa orihinal na COVID-19 variant na nadiskubre sa Wuhan, China noong 2019.