Mahigpit na pagpapatupad ng batas para maprotektahan ang mga menor de edad sa online sexual exploitation , panawagan ni Sen. Bong Go

 

 

Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go ng komprehensibong aksyon para mahinto ang online sexual exploitation sa mga kabataan lalo ngayong may pandemya ng COVID-19.

Kasunod ito ng ulat ng patuloy na pagtaas ng kaso ng child exploitation sa online.

Paalala din ni Go sa mga magulang, gabayan ang kanilang mga anak upang maiwasan na malulong sa masamang gawain.


“Hindi po rason ang kahirapan para ibenta ang kaluluwa. Gabayan natin ang mga bata na hindi malulong sa masasamang gawain para lang makaraos sa kahirapan. Huwag natin hayaang maligaw ng landas ang mga kabataan na pag-asa ng ating bayan,” ayon sa senador.

Hinikayat din ni Go ang Kongreso na gumawa ng mga hakbang sa mga batas na magbibigay proteksyon sa mga menor de edad.

Si Go ay nauna nang naghain ng Senate Bill No. 1650 noong 2020 na layong maamyendahan ang Republic Act No. 7610 o ang ‘Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act’.

Layon ng panukalang batas na amyendahan ang Section 5 (b) ng Anti-Child Abuse Law na naglalahad ng parusa laban sa mga sangkot sa lascivious conduct na ang biktima ay 12 anyos pababa.

Nais ni Go na itaas sa reclusion temporal hanggang reclusion perpetua ang parusa sa mapapatunayang guilty sa naturang probisyon ng batas.

Mayroon na ding inihain si Go na SBN 1649 o ang Bureau of Immigration Modernization Act of 2020, na layong pagbutihin pa ang outdated nang immigration system sa bansa.

Ito ay para mas maiayos ang sistema ng BI sa documentation, procedures at requirements sa pagtanggap ng mga immigrant.

Layon din ng panukala na maharang ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang pedophiles, sexual perverts, at iba pang sangkot sa prostitusyon.

“Siguraduhin natin na naiimplementa ang mga batas na poprotekta sa ating kabataan. Kung kailangan taasan ang parusa o higpitan pa lalo ang ating mga patakaran ay gawin natin para maitigil ang ganitong pang-aabuso,” ayon pa kay Go.

Kasabay ng pagkakaroon ng mahigpit na mga batas at regulasyon, mahalaga ayon sa senador na maayos na nagagabayan ang mga bata sa kani-kanilang mga tahanan.

May papel din aniya dito ang gobyerno, partikular sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pamilya upang kahit papaano ay makaahon sila sa labis na kahirapan.

“Hindi pa nila ganap na naiintindihan kung paano masisira ang buhay nila sa ganitong mga gawain para lang sa pera. Responsibilidad nating siguraduhin na magiging maayos ang kanilang kinabukasan. Kaya mahalaga na habang sinusugpo natin ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagpataw ng kaukulang parusa, dapat gabayan natin ang ating mga kabataan at tulungan ang kanilang mga pamilyang makaahon sa kahirapan,” sinabi pa ni Go.

Una nang nanawagan si Go sa mga otoridad na imbestigahan ang napaulat na paglaganap ng bentahan ng malalaswang larawan at video sa online.

Nakaaalarma ang ganitong sitwasyon lalo na ayon kay Go kung mga kabataan o mag-aaral ang biktima.

“I am calling on concerned agencies to provide necessary interventions to put a stop to this. Alarming ito, lalo na’t ang kalaswaan na ito ay dulot rin ng kahirapan,” sinabi pa ng senador.

Magugunitang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Telecommunications Commission na papanagutin ang mga Internet Service Provider sa bansa dahil sa kabiguan nilang gampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Republic Act No. 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009.

Sa nasabing batas, mandato ng ISPs na agad i-report sa Philippine National Police o sa NBI ang mga insidente ng child pornography.

Dapat ding mayroong teknolohiya, programa o software ang mga ISP na haharang o pipigil sa access o transmittal ng anumang uri ng child pornography.

Nanawagan din si Go sa Council for the Welfare of Children na maglatag ng hakbang para mahinto ang child exploitation.

“Tinatawag ko ang pansin ng CWC para alagaan ang kapakanan ng mga bata. Gabayan natin sila dahil hindi nila kailangan magbenta ng kaluluwa para lang sa pera. Nandito po ang gobyerno para tumulong sa inyo,” apela ni Go.

Simula nang magkaroo ng pandemya sa bansa, kabilang sa mga programa ng Senador ang maglaan ng tulong sa mahihirap na pamilya kung saan kasamang ipinamamahagi ang mga learning material gaya ng computer tablets para sa mga estudyante.

“Hirap na hirap na po ang mga kababayan natin. May iilan na nagiging desperado na para lang kumita. Kung kaya’t ginagawa natin ang lahat para sa bagong taon ay walang magugutom, magkakaroon ng sapat at ligtas na bakuna para sa lahat lalo na ang mga mahihirap, at magkaroon ng kabuhayan at trabaho muli ang bawat Pilipino,” dagdag pa ng senador.

 

Facebook Comments