Mahigpit na pagpapatupad ng RT-PCR test sa mga inbound passenger, hiniling ng isang kongresista

Ipinarerekonsidera ni Marikina Rep. Stella Quimbo kay Health Secretary Francisco Duque III at sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang mahigpit na pagpapatupad ng RT-PCR test sa lahat ng inbound passengers o mga pasaherong papasok sa Pilipinas.

Ginawa ng kongresista ang apela sa gitna na rin ng pagtalakay ng Kamara sa COVID-19 situation sa bansa na nahaharap ngayon sa banta ng Delta variant.

Tinukoy ni Quimbo na kapag paalis ng Pilipinas ang mga Pilipino ay obligado ang mga ito na sumailalim sa RT-PCR o swab testing pero hindi naman ipinatutupad ang RT-PCR test sa mga papasok sa bansa na mga pasahero.


Hirit pa ng mambabatas, kung sasailalim na sa RT-PCR test ang isang pasahero bago dumating ng bansa ay hindi na nito kakailanganin pang kumpletuhin ang 10 days quarantine period lalo na sa negatibo naman ang resulta.

Samantala, hindi naman tutol ang Department of Health o DOH-Technical Advisory Group na i-require ang RT-PCR test sa mga inbound passenger pero hindi naman sang-ayon ang mga ito na paikliin ang 10-day isolation period para sa mga dumarating na pasahero.

Paliwanag ni Dr. Edsel Salvana, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nag-apela noon sa mandatory swab testing dahil mahihirapan dito ang mga OFW na nakatakdang i-repatriate sa bansa.

Hindi rin aniya uubra na iklian pa ang quarantine period dahil ayaw nilang matulad tayo sa Taiwan na nagpatupad ng “test upon arrival” sa mga inbound passenger at binawasan ang quarantine period na nagresulta sa biglang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Facebook Comments