Mahigpit na Pagpapatupad ng Travel Restrictions sa Batanes, Hindi na Pinalawig pa

Cauayan City, Isabela- Hindi na pinalawig ang mas mahigpit na pagpapatupad ng travel restrictions at ang pagpresenta ng travel/boarder pass sa ilalim ng EO no. 16 para sa inter-municipal sa buong lalawigan ng Batanes.

Sa inilabas na abiso ng Provincial Government, full operation na rin ang pampublikong transportasyon sa buong lalawigan.

Gayunman, pinapayagan na rin ang operasyon 24/7 ng lahat ng establisyimento kasama na rin ang dine-in restaurants kasunod ng pagtitiyak sa minimum health standards.


Patuloy naman na babantayan ng Municipal COVID-19 Task Force at Department of Trade and Industry ang pagsisigurong masusunod ang minimum health protocol at act of non-compliance.

Samantala, kasabay naman ng inilabas na Provincial Executive order no.16 sa pagdaraos ng mass gathering ay kakailanganin pa rin ang approval o permit na kukunin mula sa tanggapan ng mga Municipal Mayors.

Inatasan naman ang lahat ng barangay officials na bantayan ang mga idaraos na aktibidad sa kanilang nasasakupan at masigurong masusunod ang health protocols.

Kailangan obserbahan ang mga lahat ng protocols at regulations sa ilalim ng umiiral na Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Sa kasalukuyan, nananatili sa dalawa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Batanes.

Facebook Comments