Inihain sa Kamara ni Deputy Speaker Wes Gatchalian ang panukala na magpapataw ng mahigpit na parusa sa mga mamemeke ng resulta ng COVID-19 test.
Kasunod ito ng pagkakadiskubre ngayong buwan sa anim na turista sa Boracay na nagsumite ng falsified negative COVID-test results kung saan kalaunan ay tatlo pala sa mga ito ang positibo sa sakit.
Nababahala si Gatchalian na malaking panganib sa kalusugan at kaligtasan ng publiko ang pamemeke ng resulta ng COVID test.
Inaamyendahan ng inihaing House Bill 8643 ang Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act kung saan ipinasasama rito ang pagpaparusa sa mga mamemeke ng COVID-19 test result.
Sa ilalim ng panukala, ang sinumang indibidwal na mamemeke ng resulta ng COVID-19 test result, ito man ay RT-PCR swab, rapid antigen o saliva test, mahaharap sa anim na taon hanggang 12 taon at posible pang pagmultahin ng ₱1 milyon ang sinumang lalabag dito.
Sa kasalukuyang batas, ₱20,000 hanggang ₱50,000 na multa o pagkakabilanggo ng isa hanggang anim na buwan ang parusa lamang sa mga mapapatunayang guilty sa pag-tamper ng health records.