Nasa tig-500 pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa De La Salle University, San Beda University, Manila Adventist College, Ateneo Junior and High School Complex at University of the Philippines – Bonifacio Global City.
Katuwang ng NCRPO ang mga Bureau of Fire Protection (BFP) at mga tauhan ng lokal na pamahalaan na nakakasakop sa mga nabanggit na paaralan.
Hindi tulad ng dati, ipinagbabawal na ang mga send-off o mga sumusuporta sa isang indibidwal na kukuha ng Bar Exams habang sarado naman ang ilang kalsada malapit sa mga unibersidad kung saan isinasagawa ang pagsusulit.
Mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-11:00 ng gabi ay sarado ang mga kalsada malapit sa San Beda University partikular sa Mendiola Street, 1st, 2nd, 3rd at 4th Street gayundin sa Concepcion Aguila Street pero papayagan ang mga sasakyan ng mga residente na makapasok dito.
Habang sarado rin ang mga kalsada sa tapat ng De La Salle University lalo na sa Taft Avenue Northbound at Southbound.
Ipinatupad rin ang liquor ban sa mga lugar na nakakasakop sa mga uniberisdad habang isinasagawa ang Bar Exams.
Bawal rin ang mga vendors kung saan magpapatupad ng noise control sa loob ng 500-meter radius ng San Beda University at De La Salle University.