Main office ng Bureau of Immigration sa Maynila, muling isasara

Isasara muna muli ang main office ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros, Maynila para muling isailalim sa disinfection simula bukas hanggang Martes, July 28.

Ito’y matapos na magpositibo sa COVID-19 ang tatlong empleyado ng BI.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, habang dalawang araw na suspendido ang operasyon ng ahensya, ang lahat ng empleyado ng immigration na nasa main office ay sasailalim sa rapid anti-body test at ang mga magpopositibo ay isasailalim din sa confirmatory swab test.


Bukod dito, inaprubahan din ni Morente ang rekomendasyon ni BI Deputy Commissioner Aldwin Alegre, head ng BI COVID-19 Task Force na isailalim sa rapid test ang lahat ng kanilang mga opisyal at tauhan kada buwan.

Samantala, ang mga Immigration officer na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay muling isasalang sa rapid test sa susunod na buwan bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus. Ayon naman kay BI Port Operations Chief Grifton Medina, ang unyon ng mga empleyado ng BI o Buklod-CID at Immigration Officers Association of the Philippines ay kapwa tutulong para sa pagsagawa ng mga COVID-19 testing sa kanilang mga frontliner.

Facebook Comments