Main office ng Smart Communications Inc., ipinasara ng Makati City LGU

Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Makati ang main office ng Smart Communications Inc., sa Ayala Avenue dahil sa hindi nito pagbabayad ng higit P3 bilyon na tax.

Nabatid na hindi nagawang bayaran ng Smart ang franchise tax deficiency na umaabot ng higit P3.2 billion mula January 2012 hanggang December 2015.

Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, bukod sa hindi pagbabayad ng tax, hindi na rin nakakuha pa o nag-renew ng business permit ang nasabing kompanya noong 2019.


Aniya, hindi nila kunukunsinti ang mga nagne-negosyo sa lungsod ng Makati na walang business permit kung saan sinisiguro ng kanilang tanggapan na mananagot ito sa batas.

Sa nasabing kautusan, kinakailangan na masunod ng Smart ang ordinasa na ipinapatupad ng Makati Local Government Unit (LGU) bago sila muling makapag-operate.

Dagdag pa ni Atty. Certeza, unang hiniling ng lokal na pamahalaan sa Smart na magpasa ng breakdown ng kanilang revenues at business taxes na kanilang binayaran sa lahat ng kanilang branches nationwide pero hindi nila ito ginawa.

Kaugnay nito, pinapa-alalahanan ng Makati City LGU ang lahat ng mga nagnenegosyo sa lungsod na sumunod sa ipinapatupad na batas at kumuha ng mga kinakailangan permit upang hindi magkaproblema.

Matatandaan na nitong nakaraang taon ay nasa 191 business establishments ang ipinasara ng Business Permits and Licensing Office dahil sa pawang mga walang business permit.

Facebook Comments