Manila, Philippines – Ipauubaya ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang paghahain ng resolusyon para paimbestigahan ang iba pang anomalyang natuklasan laban kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Sa text message ni Fariñas, wala siyang planong maghain ng hiwalay na resolusyon para siyasatin ang iba pang isyung kinasasangkutan ni Marcos.
Dagdag pa ni Fariñas, may ilang myembro ng komite ang nagpahayag na sila na ang maghahain ng resolusyon para paimbestigahan ang iba pang iregularidad ng gobernadora dahil nainsulto ang mga ito sa pandededma ni Marcos sa imbitasyon para humarap ito sa pagdinig kaugnay sa kwestyunableng pagbili ng mini cabs at mini trucks ng Ilocos gamit ang local tobacco excise tax funds.
Hindi rin nagustuhan ng mga kongresista ang binitawang salita ni Gov. Marcos na may hostage crisis sa Kamara dahil sa pagkakadetain ng Ilocos 6.
Bukod sa maanomalyang paggamit ng 66.45 Million tobacco excise tax fund na pambili ng mga behikulo, mayroon ding cash advances na aabot sa 40 Million na ginamit sa ibang mga proyekto ng lalawigan.