
Naniniwala ang non-profit organization na International Border Management and Technologies Association (IBMATA) na malaki ang magiging papel ng makabagong teknolohiya sa paglaban sa human trafficking sa bansa.
Sa press conference, sinabi ni IBMATA CEO Sharon Ayley na mahalagang mapalakas ang pagbabantay sa mga border sa pamamagitan ng angkop na teknolohiya upang mapigilan ang lumalalang kaso ng human trafficking.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang paigtingin ang seguridad sa mga pantalan at paliparan sa pamamagitan ng mas maayos na sistema, na makatutulong din sa pagpapalakas ng turismo sa bansa.
Dagdag ni Ayley, maayos ang kasalukuyang hakbang ng pamahalaan sa border security, ngunit patuloy pa rin silang makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng gobyerno upang higit itong mapahusay.
Ayon pa sa kanya, mahalaga ang paggamit ng mga teknolohiyang tulad ng biometrics, e-gates, at iba pang digital information systems, kasabay ng pagsasanay sa mga tauhan ng pamahalaan, lalo na ang mga immigration officers.
Nabatid na mahigit 20 taon nang tumutulong ang IBMATA sa iba’t ibang bansa upang palakasin ang kakayahan sa border control laban sa human trafficking at smuggling na nakaaapekto sa ekonomiya.










