Makabayan, duda sa Bayanihan to Recover as One Act

Umaalma ang Makabayan sa Kamara patungkol sa supplement bill ng Bayanihan to Heal as One Act na ‘Bayanihan to Recover as One Act’.

Bagama’t inabot lamang sa second reading ang panukala sa Senado habang nakasalang sa period of amendments ang panukala sa Kamara, pinangangambahan naman na iraratsada ito sakaling magpatawag ng special session ang Pangulo.

Giit ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, hindi pa nga nalalaman ng taumbayan ang resulta at detalye ng Bayanihan part 1 partikular sa cash position ng pamahalaan pagdating sa P275 billion na naipamahaging pondo at ang naging gastos gayundin ang pautang.


Bukod dito, marami pang sektor ang hindi pa nakakabangon tulad ng public transportation, mga magsasaka, mangingisda at iba pang grupo na hindi pa rin nakakatanggap ng ayuda.

Kinwestyon naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang Bayanihan to Heal as One Act dahil hindi naman gumaling ang bansa sa COVID-19 habang ang itinutulak na Bayanihan to Recover as One Act ay kabaligtaran ng tunay na sitwasyon dahil hindi pa talaga nakakabangon ang mga Pilipino sa pandemic.

Dahil dito, nangako si Alliance of Concerned Teachers (ACT) Teachers Rep. France Castro na kahit ngayong huling araw ng sesyon at ngayon din magla-lapse ang Bayanihan part 1 ay gigisahin nila sa interpelasyon ang Bayanihan part 2 para makita ng publiko kung ano ang magiging pakinabang sa panukala.

Facebook Comments