Mariing kinokondena ng mga kongresista ng Makabayan Bloc ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang panalo ng bansa sa permanent court of arbitration sa West Philippine Sea (WPS) laban sa China ay isa lamang papel na pwedeng itapon sa basurahan.
Sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, napakatindi ng pahayag ng Pangulo na dapat kondenahin dahil ipinagsasawalang bahala ang panalo ng bansa para sa karapatan at soberenya sa WPS.
Para naman kay ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, napaka-insensitive at napakabalahura ng sinabi ng Presidente.
Aniya pa, mas takot ang Pangulo sa galit ng China kaysa sa galit ng mga Pilipino at wala rin itong pakialam kung magutom ang mga mangingisda at mamamayan habang ang China ay pinakikinabangan ang resources ng bansa.
Ipinaalala ni Castro na tungkulin ni Duterte bilang Pangulo na depensahan ang soberenya at exclusive economic zone ng bansa kaya naman hamon nila na magpaka-Pilipino na si Pangulong Duterte.
Binigyang diin naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat na walang utang na loob ang Pilipinas sa China dahil kung ang sinasabi na nakinabang ang bansa sa mga donasyong bakuna sa China, hindi hamak na maliit lamang ito kung ikukumpara sa pakinabang nila sa likas na yaman at teritoryo ng bansa.