Pinakikilos ng Makabayan ang Kamara na agad na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa tumataas na kaso ng mga pang-aabuso at panghahalay sa mga kababaihan na kinasangkutan ng mga police officer ngayong pandemya.
Batay sa Center for Women’s Resources, sa loob ng mga panahong ipinatupad ang mahigpit na community quarantine mula March hanggang October 2020 ay nakapagtala ng limang kaso ng rape at sexual harassment laban sa mga pulis.
Iba pa ito sa mga rape cases laban sa mga police officers ng Mabalacat, Pampanga at Mariveles, Bataan na naitala ngayong taon.
Aabot naman sa 56 na mga pulis ang sangkot sa 33 kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan kung saan 16 na kaso rito ay nangyari sa unang dalawang taon ng Duterte administration.
Naalarma si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at hiniling na sa House Committee on Women and Gender Equality na agad imbestigahan ang mga pulis na dawit sa kaso ng mga pang-aabuso sa mga kababaihan.
Nakasaad din sa House Resolution 2305 na inihain ng Makabayan ang mahigpit na pagpaparusa laban sa mga pulis na nakalabag sa batas.