Kumpiyansa si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi makikinig at hindi bibigay sa pressure si House Speaker Lord Allan Velasco mula sa mga anti-communist group.
Kasunod na rin ng mga panawagan na imbestigahan ng House of Representatives ang Makabayan bloc hinggil sa kaugnayan nito sa Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA).
Ayon kay Gaite, tiwala silang manatili ang “good judgement” ni Velasco sa isyu ng red tagging laban sa anim na miyembro ng Makabayan bloc na mula sa Gabriela Partylist, Kabataan Partylist, Act Teachers Partylist at Bayan Muna.
Aniya, sa isinagawang Senate hearing sa isyu ng red tagging ay nabigo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magharap ng ebidensyang magpapatunay na kaalyado sila ng CPP-NPA kaya naman kahit magsawa ng House inquiry ay ganito rin ang kahihinatnan.
Sa kabilang banda, nanindigan si League of Parents of the Philippines (LPP) Chairman Remy Rosadio na hindi dapat sa mga kapwa mambabatas nakikinig si Velasco kundi sa boses ng nakararami.
Aniya, hangga’t nanatili sa Kamara ang Makabayan bloc ay patuloy na mas maraming kabataan ang marerecruit na sumanib sa NPA.
Binatikos naman ni Hands Off Our Children Founder Gemma Labsan ang kawalang aksyon ng Kamara sa kanilang panawagan na magkaroon ng isang House inquiry sa red-tagging para malaman ang katotohanan sa ginagawang recruitment ng Makabayan bloc sa mga kabataan para sumali sa communist group.
Sinabi ni Labsan na sa kabila ng ipinapakitang bias ni Velasco ay hindi pa rin sila titigil sa pagkalampag dito hanggang sa umaksyon at gampanan ang kanyang tungkulin sa bayan at iutos ang isang imbestigasyon laban sa mga progressive solons.