Manila, Philippines – Nakahanda ang Department of Education na pag-usapan ang panukala sa mababang kapulungan ng kongreso na gawing nationwide ang curfew sa mga kabataan.
Ayon kay DepEd Usec. Tonisito Umali malaking bagay kung lilimitahan ang kilos ng mga kabataan sa gabi.
Makatutulong din aniya ang curfew upang matutukan ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral at maiwasan ang pagbubulakbol.
Gayunman sinabi ni Usec. Umali na kailangan paring pag-aralang maigi ang panukalang nationwide curfew dahil baka may malabag na karapatan kung ipatutupad ito sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala ni Bagong Henerasyon Partylist congresswoman Bernadette Herera Dy ang nationwide curfew ay para sa mga 18 taong gulang pababa mula alas dyes ng gabi hanggang alas sinco ng madaling araw.
Ang panukala ay bunsod ng pagdami ng bilang ng mga nawawalang bata, mga ginagamit ng mga sindikato at mga kabataang nasasangkot sa ibat ibang uri ng krimen.