Makati City Government, pupulungin ang LTFRB, Makati Parking Authority at Makati Central Estate Association para talakayin ang usapin ng No Loading/Unloading Policy sa mga UV Express service vehicles

Nagpatawag na ng pulong ang Lokal na Pamahalaan ng Makati para maresolba ang isyu sa implementasyon ng “No Loading/Unloading Policy” sa UV Express Service Vehicles sa lungsod.

Sa isang statement, sinabi ng city government na pupulungin ni Makati City Mayor Abby Binay ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LFTRB), Makati Parking Authority at Makati Central Estate Association.

Tatalakayin dito ang pagsuspinde sa pagpapatupad ng LTFRB Memorandum Circular Number 2019-025 na nag-aatas sa paglilimita sa point-to-point ng UV Express mula origin patungo sa destinasyon.


Layon ng pulong na pansamantalang pahintulutan ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sa designated loading and unloading areas sa Makati Central Business District.

Una nang nilinaw ng Local Government Unit (LGU) na hindi ito ang nagpatupad ng restriction sa UV Express dahil taong 2019 pa lamang ay inilabas na ang memo ng LTFRB.

Facebook Comments