Inihayag ng ilang guro na nilabag ng lokal na pamahalaan ng Makati ang inilabas na kautusan ni Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio.
Kabilang sa mga nilabag ng Makati City-LGU ang tangkang pagpapasok ng school supplies sa Pitogo High School na pinadeliver sa pamamagitan ng courier service delivery at tinanggihan naman ito ng mga guro.
Patuloy rin ang paglalagay ng mga bagong tarpaulin sa mga “EMBO” schools na “This property is owned by Makati City”.
Ang Makati City General Services Department din ay nagtutungo sa mga “EMBO” schools para tignan at i-tag ang mga properties sa loob ng paaralan.
Nabatid sa nasabing Memorandum No. 23-2023, inutos ni VP Duterte na ilagay sa direct authority ng DepEd ang mga “EMBO” schools.
Dagdag pa, ang DepEd-Central Office lamang ang may direct supervision sa management at administration at ang lahat ng kilos ng dalawang lungsod ay may pahintulot dapat mula sa DepEd-Office of the Secretary hanggang hindi pa natatapos ang transition plan para sa paglilipat sa Taguig City ng mga “EMBO” schools.
Sabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na kinikilala ng kanilang ahensya ang kautusan ng Korte Suprema na nagtatakda na ang “EMBO” schools ay nasa ilalim ng legal na hurisdiksyon ng Taguig City.
Una nang inihayag ng Taguig City-LGU na suportado nito ang hakbang ng DepEd para sa smooth, orderly at peaceful transition ng mga “EMBO” schools patungo sa kanilang lungsod.