Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na ipinag-utos ng Makati Prosecutor’s Office ang pagpapalaya sa 3 nakakulong na suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
Ito ay matapos ang masusing pag-evaluate ng piskalya sa mga ebidensya sa insidente nang isailalim sa inquest proceedings sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido at John Paul Halili.
Ayon sa piskalya, kailangan munang magsagawa ng preliminary investigation sa kaso kung talaga bang hinalay si Dacera at kung talagang pinatay ito o may foul play sa kanyang pagkamatay.
Sakop din ng kautusan ng piskalya ang mga nakalalaya pang respondents na sina Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Clark Rapinan, Valentine Rosales, Mark Anthony Rosales, Rey Ingles y Mabini, Louie de Lima, Jammyr Cunanan at alias Ed Madrid.
Sa tatlong pahinang resolution ng piskalya, inatasan din nito ang Makati Police na magsumite ng karagdagang mga ebidensya tulad ng DNA analysis report, toxicology/chemical analysis at histopath examination report.
Ang preliminary investigation sa kaso ay itinakda sa January 13,2021 dakong alas-10:00 ng umaga.