Mabigat ang naging laman ng statement na inilabas ng Makati Medical Center hinggil sa sinasabing paglabag ni Senador Koko Pimentel sa infection control protocols ng ospital.
Ito ay matapos na magtungo sa nasabing ospital kagabi si Pimentel para samahan ang kanyang manganganak na asawa sa kabila ng aminado itong nagtataglay siya ng mga sintomas ng COVID-19 na kakaunan ay lumabas sa resulta ng pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na positibo siya sa virus.
Sa statement ng Makati Medical Center na pirmado ni Dr. Saturnino Javier, Medical Director ng ospital, tinawag nitong irresponsible at reckless action ang ginawa ni Pimentel.
Aniya, nilabag ng senador ang Home Quarantine Protocol at dahil sa kanyang ginawa ay malaki ang mababawas sa workforce ng ospital dahil sa kinakailangan ngayon na mag-quarantine ng kanilang mga doktor at nurses na nakaharap ni Pimentel.
Sa halip, aniyang, makatulong si Pimentel sa paglutas sa problema sa banta ng COVID-19 ay lalo itong gumawa ng panibagong problema.
Agad naman na isinagawa ang decontamination at disinfection sa buong Delivery Room Complex ng ospital.