Manila, Philippines – Isang linggo bago ang Semana Santa, hinikayat ngayon
ng Department of Tourism (DOT) ang publiko na bisitahin ang mga tinatawag
na ‘Faith-Based Tourism Destinations’ sa bansa at makiisa sa Lenten
activities ng mga rehiyon.
Ang hakbang na ito ayon kay Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo ay bilang
pag-suporta na rin sa pilot project ng ahensya ngayong taon hinggil sa
Faith Tourism kung saan highlights ang iba’t-ibang aktibidad at tradisyon
ng mg Pilipino sa pamamagitan ng isang ‘Holistic Pilgrimage.’
Paliwanag pa ng kalihim na ang Pilipinas bilang isang Catholic country sa
Asya ang nag-udyok sa kanya na maglabas ng marching order para palakasin pa
ang promosyon ng mga lugar na maaaring bisitahin tuwing Holy Week.
Kabilang aniya sa mga makasaysayang simbahan na maaaring mag-Visita Iglesia
ay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Cagayan Valley na
pasok sa listahan ng mga recommended faith destinations sa Region 1.
Dagdag pa kay Teo, para naman sa mga kababayan na magtutungo sa labas ng
Luzon ay maaaring ikonsidera ang daang taong tradisyon sa Marinduque na
Moriones Festival at iba pang unique Holy Week experience sa Bacolod City,
Talisay City, Iloilo at Guimaras gayundin ang mga lumang simbahan na
pwedeng bisitahin sa Misamis, Lanao, Bukidnon, Camiguin at Northern
Mindanao.
Samantala, para naman sa mga Katolikong iiwas sa exodus ng mga biyahero sa
Semana Santa at mananatili lamang sa Metro Manila ay inaanyayahan ang mga
ito na mag-Visita Iglesia sa Intramuros sa Maynila kung saan ay marami ring
lumang simbahan at may inihandang aktibidad kaugnay ng Holy Week.