Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang planong pagbalik sa bansa nina CPP-NDFP peace panel chairman Fidel Agcaoili at Senior Adviser Luis Jalandoni.
Sa kanyang talumpati sa Palawan kagabi, sinabi ng Pangulo na nakipag-ugnayan sa kanya ang dalawang opisyal para makipag-usap.
Gayunman, binalaan daw niya ang mga ito na posible pa rin silang maaresto.
Nagpatawag na raw siya ng cluster meeting kasama ang militar at sa susunod na linggo ay mag-aanunsyo ulit siya hinggil dito.
Samantala, ayon kay Agcaoili – nakatakda siyang bumiyahe pabalik ng Pilipinas ngayong Nobyembre.
Umaasa siya na makakausap niya ang Pangulo hinggil sa peacetalks, maliban na lang aniya kung tututulan ito ng militar.
Noong nakaraang taon, matatandaang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA dahil sa patuloy na pag-atake ng mga rebelde sa tropa ng gobyerno.