Cauayan City, Isabela – Makukulay at iba’t-ibang disenyo ng mga parol ang nagbigay buhay sa Lantern Festival na ginanap sa SM City Cauayan.
Ang masayang Lantern Festival ay bahagi ng taunang programa tuwing kapaskuhan ng University of Perpetual Help System(UPHS) Cauayan Campus at ngayong taon kanilang ginawang mas masaya ang programa kasama ang SM City Cauayan.
Sa ginanap na Lantern Festival ipinakita ang pagiging malikhain ng mga estudyante ng UPHS-Cauayan sa pamamagitan ng paggawa ng parol. Bawat departamento ay may kanya-kanyang disenyo at konsepto ng parol na kasali.
Bukod sa mga nagkakagandahang lanterns na ipinarada mula sa kanilang school campus patungong SM City Cauayan, kasama ring nagbigay tuwa sa mga manonood at mall-goers ang kauna-unahang search for Lantern King & Queen ng UPHS Cauayan na pinakinang ng kanilang mga suot na costume.
Kasama rin sa mga dumalo sa nasabing festival sina SM City Cauayan Mall Manager Ms. Shiela Marie Estabillo at Public Relations Officer Ms. Krystal Gayle Gines na naunang nagpaabot sa RMN Cauayan ng imbitasyon upang daluhan ang naturang aktibidad.
Kanilang ibinahagi ang iba’t-iba pang atraksyon sa SM City Cauayan ngayong panahon ng kapaskuhan.
Kabilang sa mga nakahanay nilang mga programa ay ang tinatawag na SM Centerpiece. Sinimulan ito noong Nobyembre 10 at magtatapos sa Disyembre 31, 2017.
Dito ay maaring bumisita at magpakuha ng litrato ang buong pamilya at mall-goers. Ngayong taon ay Walt Disney ang tema ng kanilang Centerpiece kung saan bida sina Mickey and Mini Mouse.
Nakalinya din ngayong kapaskuhan ang kanilang Bears of Joy, kung saan iyong mabibili ang isang pares ng Teddy Bear sa halagang 200 pesos.
Ang isa ay puwede mong maiuwi at ang isa naman ay iyong ise-share sa mga batang may kapansanan sa Cauayan City.