Napasadahan sa pagtalakay sa ad-interim appointment ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang makulay na buhay pag-ibig nito.
Nabusisi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel kung hindi ba makakasagabal sa kanyang tungkulin bilang kalihim kung may marami siyang makikilalang babae sa kanyang panunungkulan.
Batay kasi sa deklarasyon ni Tulfo, mayroon siyang sampung anak mula sa apat na babae.
Aniya, ‘in good terms’ naman sila ng mga dating naging partners gayundin sa mga anak nito na nasa Amerika na ang iba at ang iba ay narito naman sa bansa.
Katwiran ni Tulfo, nangyari aniya ang mga ito noong kabataan niya at noong siya pa ay nasa media.
Pero ngayon na nagkaka-edad na ay nag-iiba na ang pananaw sa buhay at kinapulutan naman niya ng leksyon ang mga naging karanasan at pagkakamali sa buhay.
Sa pagharap kanina ni Tulfo sa commission ay natalakay ang plano sa 4Ps, digitalization sa pamamahagi ng ayuda, social pension ng mga senior citizens, national feeding program at iba pang parochial concerns.
Magkagayunman, ipinagpaliban ng Commission on Appointment (CA) ang confirmation sa ad interim appointment ni Tulfo dahil sa isyu naman ng citizenship at conviction nito sa libel case noong ito ay journalist pa.
Kukunsultahin muna ng CA ang mga legal experts sa usaping ito.