Mala-scam na singilan sa tubig, kuryente tapos sa gobyernong Lacson-Sotto

Wawakasan ni Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson ang matagal nang problema ng mga mahihirap na Pilipino na walang sariling koneksyon sa tubig at kuryente at nagbabayad nang triple sa itinakdang halaga nito.

Natuklasan ni Lacson sa kanyang pag-iikot ngayong kampanya na maraming lugar partikular sa Metro Manila, lalo na sa mga informal settler, ang walang tamang koneksyon sa dalawang pangunahing serbisyo na kailangan ng bawat pamilya.

Umaasa sila sa sistemang ‘pakabit’ na bukod sa mas mahal dahil sa tripleng singil ay posible pang maging sanhi ng sunog at iba pang sakuna sapagkat hindi ito saklaw ng mga panuntunang naaayon sa regulasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan.


Sa ganitong sistema, ang isang legal na may koneksyon sa mga distributor ay nagpapakabit at naglalagay ng kuntador sa mga sinusuplayan niya ng kuryente at tubig.

Idinulog ang usaping ito ng mga apektadong residente at ilang lokal na opisyal na nakausap ni Lacson sa kanyang pagdalaw sa mga Lungsod ng Pasig at Parañaque nitong Miyerkules at Huwebes.

Ani Lacson, isa sa kanilang tinitingnan solusyon ng running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ay ang pagbibigay ng subsidiya sa pinakamahihirap na pamilya upang matulungan sila na maiangat ang estado ng pamumuhay.

Subalit magagawa lamang ito kung pahihintulutan sila ng sambayanang Pilipino na ayusin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila sa darating na halalan. Pangunahin sa mga plataporma ng tambalang Lacson-Sotto ang pag-reporma sa paggastos ng pondo ng bayan.

“Dapat ma-correct. Imagine kung mayroong P300-billion na hindi nagagamit at mayroon pang P700-billion na mali ang paggamit, isipin niyo isang trilyon. E baka kayang sagutin ‘yung mga hindi kayang magbayad ng kuryente, hindi [kayang] magbayad ng tubig, baka pwedeng hatian ng gobyerno ‘yung pambayad,” sabi ni Lacson sa harap ng mga residente sa Barangay Baclaran.

Sa kanila namang pagharap sa mga residente ng Castillejos sa Zambales nitong Biyernes, binanggit din ni Sotto ang posibilidad na maging libre ang kuryente para sa isang indibidwal o pamilyang kumikita ng hindi hihigit sa P300,000 kada taon, kung masusugpo ang isyu ng korapsyon.

“Pagka nasugpo natin ang isyu ng korapsyon, sa lahat po ng hindi kumikita ng P300,000 sa isang taon, pagka less than P300,000 ang income ninyo sa loob ng isang taon, pwede pong sagutin ng gobyerno ang inyong kuryente. Dapat libre ang kuryente,” pahayag ni Sotto.

Kabilang ang pataas na pataas na mga bayarin sa tubig at kuryente sa mga kawing-kawing na problema ng mga Pilipino na nagiging dahilan para hindi umangat ang pamumuhay sa ating bansa, sabi ng presidential candidate.

Mareresolba ito, ayon kay Lacson, kung mapapabilis at magiging abot-kaya ng masang Pilipino ang pagpapakabit ng sarili nilang kuryente at tubig. Mapapamura nito ang babayaran ng mga residente dahil direkta na silang magkakaroon ng koneksyon sa mga distributor. ###

Facebook Comments