Nagbabala ang lokal na pamahalaan ng Malabon sa publiko hinggil sa ilang mga indibidwal na nagpapangap na tauhan ng kanilang city hall.
Nabatid kasi na nakarating sa pamunuan ng city hall na may mga taong nangongolekta ng bayad at nagpapanggap na nagtatrabaho sa ilalim ng Office of the City Administrator ng Malabon.
Iginiit ng Malabon Local Government Unit na ang tanggapan sa Malabon City Hall ay hindi kailanman magpapadala ng mga kolektor para sa anumang klase ng pagbabayad.
Kaugnay nito, ipinag-uutos ng city administrator na tanging sa loob lamang ng city hall magaganap ang lahat ng uri ng transaksyon sa pagbabayad.
Ang sinumang makasalamuha ang ganitong uri ng gawain ay maaaring tumawag sa hotline numbers na 8-921-6009, 8-921-6029, 0942-372-9891 at 0919-062-5588 para i-ulat ang anumang scam na malalaman.