Manila, Philippines – Ayaw pa munang magbigay ng buong komento ang Palasyo ng Malacañanag hinggil sa umano ay passport data breach.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, sa ngayon ay puro espekulasyon pa lamang ang mga lumalabas sa balita at wala pang direktang ebidensiya na magdidiin na mayroong nangyaring data breach.
Binigyang diin ni Panelo na mas magandang makakita muna siya ng matibay na ebidensiya na magsasabi na nagkaroon nga ng breach.
Sinabi din ni Panelo na ang mahalaga ay makita ang mga hinahanap na dokumento para sa printing ng passport.
Sa ngayon aniya ay mahirap maglabas ng isang conclusive statement hinggil sa usapin hanggang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
Pero binigyang diin parin ni Panelo na ang mga impormasyong hinahanap ay pagaari parin ng gobyerno at mayroong kapangyarihan ang pamahalaan na obligahin ang pribadong kumpanya na ibalik ang mga ito.