Malacañang, ikinalungkot ang rejection ng CA kay Secretary Rafael Mariano

Manila, Philippines – Ikunalungkot ng Palasyo ng Malacañang ang hindi pagkakapasa ni Agrarian Reform Secretary Rafael “ka Paeng” Mariano sa makapangyarihang Commission on Appointments.

Kanina kasi ay nagbotohan na ang mga miyembro ng CA pero hindi naging matagumpay si Mariano na makalusot dito.

Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nakalulungkot na isa nanamang miyembro ng official family ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naharang ng CA.


Pinuri din naman ni Abella ang mga nagawa ni Mariano habang nanunungkulan ito bilang kalihim ng Agrarian Reform kung saan maraming magsasaka na ang natulungan nito.

Paliwanag ni Abella, malaki ang naging papel ni Mariano sa pagtupad sa commitment ni Pangulong Duterte na pagandahin ang buhay ng mga magsasaka at tiyakin ang security of land tenure.

Nagpasalamat din si Abella sa paglilingkod ni Mariano sa bayan sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Si Mariano ang ika-4 na appointee ni Pangulong Duterte na hindi nakapasa sa CA matapos hindi rin makapasa sina dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Environment Secretary Gina Lopez at dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.

Facebook Comments