Manila, Philippines – Inianunsyo na ng Malacañang na walang pasok tanggapan sa gobyerno at klase sa lahat ng pampublikong paaralan at State Universities and Colleges (SUCS) sa buong bansa sa Huwebes, Setyembre 21.
Idineklarang National Day of Protest ang nabanggit na araw para bigyang daan ang ikakasang kilos protesta kaugnay ng ika-45 taong anibersaryo ng deklarasyon ng martial law.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, pagkakataon ito ng lahat para gamitin ang kalayaang magpahayag sa mapayapang paraan.
Maglalabas ang Office of the Executive Secretary ng memorandum circular para sa nasabing work at classes suspension.
Ang mga nasa pribadong sektor na maaaring maapektuhan ng mga kilos-protesta ay nasa mandato na ng administrador o kaya ay ang lokal na pamahalaan.
Paglilinaw ng palasyo, hindi holiday ang idineklara ni Pangulong Duterte.