Malacañang, ipinapaubaya na sa korte ang proseso matapos mag-isyu ng warrant of arrest laban sa 4 na dating partylist representative

Manila, Philippines – Ipinapaubaya na ng Malacañang sa korte ang proseso kontra sa mga dating party-list representatives na inisyuhan ng warrant of arrest na inilabas ng Nueva Ecija Trial Court.

Nabatid na kinasuhan ng kasong murder noon pang 2006 sina dating Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño ng Bayan Muna ganundin sina National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza at dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Sinasabing dawit ang mga ito sa pagdukot at pagpatay kina Danilo Felipe noong 2001, Jimmy Peralta, noong 2003 at Carlito Bayudang noong 2004 na pawang tagasunod ng kalabang party-list na Akbayan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, igagalang nila ang pagiging independent ng hukuman at hindi nila ito panghihimasukan.


Kinondena naman ng Makabayan bloc sa Kamara ang inilabas na warrant of arrest sa apat na dating kongresista dahil walang basehan, fabricated at malisosyo ang kinakaharap na kaso.

Siniguro ng Philippine National Police (PNP) na walang paglabag na gagawin ang kanilang hanay sa gagawing pag-aresto sa apat na mga dating mambabatas.

Facebook Comments