Malacañang, binalaan ang publiko na wala pang inaaprubahang bakuna kontra COVID-19

Binalaan ng Malacañang ang publiko na huwag bumili sa mga inaalok na umano’y COVID vaccine na ibinebenta nang mahal.

Ang babala ng palasyo ay kasunod ng nakarating na report sa kanila na may umiikot umanong text message kaugnay sa ibinebentang COVID-19 vaccine na nagkakahalaga ng P50,000 kada isa.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, wala pang naaaprubahang bakuna para sa COVID-19 kaya huwag sanang maniwala ang publiko sa mga kumakalat na text message.


Sinabi pa ni Roque na mananagot sa batas ang mga mahuhuling magbebenta ng bakuna na hindi naman aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Nanawagan rin si Roque sa mga nagpapakalat ng mensahe na itigil na ang ilegal na gawain dahil siguradong makukulong sila.

Matatandaan na una nang inihayag ni FDA Director General Eric Domingo na mayroong isang pasilidad sa Makati City na kanilang pinuntahan at ininspeksyon matapos makatanggap ng ulat na nagbabakuna umano ng COVID vaccine kahit wala pa naman silang inaaprubahan.

Facebook Comments